Ang Puwesto sa pamahalaan ay hindi isang laruan, na puwedeng itapon kung tapos na ang pangangailangan. Hindi rin ito isang dekorasyon na isasabit lang ayon sa iyong kagustuhan. Ito ay tiwala ng publiko, na ang pagtupad ay dapat iseryoso at hindi paloko-loko.

Bago pumasok sa pamahalaan isipin ng lubusan, pairalin ang kinabukasan ng karamihan hindi ang sariling kapakanan.

Kung ikaw ay nasa loob na ng pamahalaan, lahat ng tukso ay iwasan. Pumili ng tunay na kaibigan na magbibigay ng mga tamang kapayuhan, huwag padadala sa bulong ng kapaligiran na ang taging hangad ay sariling kabutihan.

Batas ang gawing batayan gayundin ang tama at makabubuti sa mga kababayan. Ang “Bata-Bata” na patakaran huwag ipatutupad kahit kailan, kung ayaw mong masira ang iyong pangalan.

Ang masisipag sa trabaho iyong gantimpalaan, kahit boto nila’y hindi napakinabangan. Ang lumabag sa batas ay parusahan kahit sila’y mga pinagkakautangan nung nakaraang halalan SA GANITONG PARAAN LAMANG makakamtan ang paggalang sa iyong mga kababayan.

Ang mga payong ito ay mula sa isang tapat na kaibigan na walang hangad kundi ang iyong kabutihan, ngunit lahat ng ito’y walang kabuluhan kung hindi mo isasakatuparan. Kaya, NASA ‘YO LAMANG ANG KASAGUTAN

No comments: